Ang buhay ay walang kabuluhan π’
Ang dahon ay mananatiling dahon. Ang hangin sa mundo ay patuloy na iihip paikot ikot sa silangan, kanluran at timog. Ang luntiang tubig sa karagatan ay patuloy na dadaloy walang madadagdag sa iyong pagkawala at wala rin magbabago. Ang araw ay patuloy na sisikat at ang buwan ay patuloy na magbibigay liwanag sa kadiliman ng gabi. Kung ikaw man ngayon ay mamamatay walang ito apekto sa pagikot ng mundo.Walang permanente sa mundo kung hindi ang 'PAGBABAGO'. Lahat ay mawawala ngunit lahat ay mapapalitan.
Para saan ang kasiyahan? Ito'y panadalian lamang at muling mapapalitan ng kalungkutan. Kapag ikaw ay lumuluha aasahan mong may ligaya; Kapag ikaw ay nasa ligaya asahan mo ang pagluha. Paraan saan ba ang buhay? Para saan ang kalungkutan? Para saan ang kasiyahan? Ang buhay ay walang kabuluhan.
Ang tumawa ay isang kamangmangan at ang maging malungkot ay isang kabaliwan. Bakit ka nabubuhay? Para saan ka nabubuhay? Bakit ka nasa mundo? Paano kung walang langit? Paano kung walang kabilang buhay? Ang lungkot, tawa, pagibig na ating nadarama ay mauuwi lamang sa walang kabuluhan . Lahat ng ito'y "WALANG KWENTA".
ANG BUHAY ay walang kabuluhan. Kung iisipin 'Ang buhay ay hindi patas'. Maaring ang mga nangyayari sa mga makasalanan ay nangyayari sa mga mabubuti at ang nangyayari sa mga mabubuti ay nangyayari rin sa makasalanan.
Gumawa ka ng mabuti at ikaw ay mabubuhay. Gumawa ka ang masama at patuloy ka pa din mabubuhay. Ang mga gumagawa ng mabubuti ay pinagpapala at ang mga gumagawa ng masama ay pinagpapala rin (ganyan kabait ang Dyos). Halos parehas lamang ang nangyayari sa mabuti at masama. Para saan ang magpakabuti kung pare-parehas lang ang nangyayari? Hindi mo mahuhulaan ang buhay, hindi mo mahuhulaan kung saang destinasyon o agos ka nito dadalhin. Magpatangay ka lang sapagkat ang lubhang pagpaplano at pagiisip sa kinabukasan ay nakasisira ng ulo. Magpakasipag ka o magpakatamad sa pagbabanat ng buto hindi mo pa din masasabi kung anong magiging kapalaran mo.
Iwasan ang labis na karunungan. Habang lumalawak ang iyong nalalaman, nadaragdagan ang iyong mga katanungan, habang nadaragdagan ang iyong katanungan nadaragdagan din ang iyong mga naisin at pangangailangan at habang nadaragdagan ang iyong naisin at pangangailangan nagiging sanhi ito ng labis na pagiisip at nakadaragdag na mga suliranin sa buhay. Aanhin mo ang labis na karunungan kung ika'y lilisan rin naman? Ang labis na pagiisip ng mga problema ay isang kaululan. Kahit ilang taon mo man itong isipin ng paulit ulit hindi ka makakaraos ng walang ginagawang aksyon. Tulad ng 'Buhay' ang karunungan ay walang kabuluhan.
Aking napagtanto na mapapalad din ang mga bulag na hindi nakikita ang dumi ng mundo, isama mo pa ang mga bingi na hindi naririnig ang ingay rito. Pero higit na mapapalad ang mga sangol na hindi na nabigyang ng pagkakataon masilayan ng araw. Hindi na nila kailangan panglinisin ang mga tanawin na kanilang daratnan, hindi na rin nila kailangan pang marinig ang mga salitang hindi kapakipakinabang at higit sa lahat hindi na rin nila kailangan makaramdam ng emosyon na mahirap pigilan. Sa madaling salita hindi na nila mararanasan ang lupit ng mundo.
Masaya ang mabuhay ngunit ang buhay ay mananatiling walang kabuluhan. Ang mga alaala, pagibig, lungkot, saya ay mananatiling alabok ng kahapon pag ika'y wala na. Ang mga karunungan ay magmimistulang tuod na tuyo at walang laman. Ang kayamanan na iyong pinagsumikapan ay mauuwi lamang bilang kolorete ng katawan na maisasalin salin sa mga susunod pangpanahon.
Oo, totoong ang magpakabuti at magpakasama ay walang katuturan. Ngunit piliin mong maging mabuti sa lahat ng pagkakataon. Ang pagiging matuwid ay di hamak na mas kaayaaya kesa sa baluktot.
Totoo ring ang pagtawa at pagiging masaya ay isang kaululan. Ngunit piliin mong maging masayahin kesa malungkutin. Ang pagiging masayahin ay nakakapagpagaan sa mga suliranin natin.
Hindi patas ang mundo. May mga taong labis magbanat ng buto ngunit nananatiling mahirap hanggang sa huling sandali. May mga tao namang wala ganong ginagawa ngunit sila pa ang yumayaman. Wala kang takas sa mundo - walang hustisya dito. Hindi kailan man naging masama ang maging mahirap. Ngunit kasalanan ang mamatay ng mahirap. At kung saka sakali mang hindi ka pinalad na makaahon sa hikahos mong buhay, piliin mo pa din magbanat ng buto bago mo ipikit ang mata mo. Nang sa gayon maipagmamalaki mong sinubukan mong umahon at umasenso.
Idalangin mo sa panginoon na gabayan ka niya sa isang magandang buhay. At kung sakali mang hindi ka niya pahintulutan na yumaman manalangin ka na huwag ka niyang pabayaan dahil baka makagawa ka ng kasalanan para mabuhay lamang.
Matuto kang pahalagahan ang mga bagay na meron ka. Wag mong hilingin ang mga bagay na wala ka. Pero hindi masama ang umasa. Kung hindi mo makuha ang mga bagay na wala sayo ipagpasalamat mo na lamang ang mga bagay na nakuha mo na hindi mo hiniling na mapasayo. Ang buhay ay puno ng sorpresa. Maaring mamaya, bukas o sa makalawa ay may dumating na hindi mo inaasahan.
Tama, isang kahibangan ang labis na karunungan ngunit walang masama ang pagkakaroon nito. Ang karunungan ay matuturing na ring isang karunungan kung ikaw ay matuwid. Ang paggawa ng magtuwid ay ang paggawa ng tama.
Nabanggit ko ngang walang kabuluhan ang mabuhay ngunit ang buhay ay hindi lamang natatapos kung bakit tayo/ako kailangan mabuhay. Ang buhay ay natatapos sa tanong na "Bakit mo kailangan mabuhay?". Dahil ikaw, ako, tayong lahat ay may dahilan kung bakit tayo nasa mundo at kung ano man ang dahilan nun hindi ko din alam.
Sa kabuuan, anong patotoo na mayroon tayong Diyos? Mahirap ipaliwanag ang mga bagay bagay at mahirap ding bigyan ng buhay ang mga katanungan ng mistulang patay. Ngunit tignan mo ang iyong paligid, tignan mo ang langit, pakiramdaman mo ang iyong pakiramdam, damhin mo ang pagibig sapagkat ang lahat ng ito ay patunay na mayroon tayong Panginoon sa langit.
Comments